Print Friendly and PDF
Home » » Filipino : Wika ng Pagkakaisa, Buwan ng Wikang Pambansa 2014

Filipino : Wika ng Pagkakaisa, Buwan ng Wikang Pambansa 2014

Written By kusina101 on Wednesday, August 20, 2014 | Wednesday, August 20, 2014

Filipino : Wika ng Pagkakaisa, Buwan ng Wikang Pambansa 2014
Ngayong Buwan ng Wika 2014, ibinabandera ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang halaga ng wikang  Filipino bilang wikang nagbubuklod sa bansa. Filipino: Wika ng Pagkakaisa ang tema ng pagdiriwang ngayong taon na magtatampok ng mga gawaing pangwika at pangkultura na pangungunahan ng KWF sa buong bansa.

Alinsunod ang pagdiriwang sa Proklamasyon Blg. 1041 na nilagdaan ni dating Pangulong Fidel Ramos. Ipinahahayag nito ang taunang pambansang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa tuwing Agosto. Dagdag pa, ang dating Pangulong Manuel L. Quezon, na itinuturing na Ama ng Wikang Pambansa, ay isinilang noong 19 Agosto  1878. Sa bisa ng proklamasyong ito, nangunguna ang KWF sa pagsasagawa ng mga makabuluhan at napapanahong mga programang may kinalaman sa wika at kulturang Filipino.

Bubuksan ng KWF ang pagdiriwang sa 4 Agosto sa Lungsod Batangas, Lalawigan ng Batangas. Magdaraos ng pormal na pagbubukas ng Buwan ng Wika sa pakikipagtulungan ng Tanggapan ng Punong Lalawigan Vilma Santos-Recto. Ipoproklama ang Lalawigan ng Batangas bilang huwaran o pilot ng E.O. 335. Inaatasan ng E.O. 335 ang mga ahensiya’t tanggapan ng pamahalaan na gamitin ang Filipino bilang opisyal na wika ng korespondensiya at komunikasyon.

Mula 4—5 Agosto ay magsasagawa rin ang KWF ng Pagsasanay sa Korespondensiya Opisyal (KO) at Implementasyon ng E.O. 335 sa Lungsod Batangas, Lalawigan ng Batangas. Nagsisilbing gabay ng mga tanggapan ng pamhalaan ang KO sa paggawa ng mga opisyal na komunikasyon sa wikang Filipino.   Lalahok ang mga kawani mula sa iba’t ibang tanggapan ng Lalawigan ng Batangas.

Gagawin naman sa 4 Agosto ang taunang pagtataas ng watawat ng KWF sa Palasyo ng MalacaƱang. Naimbitahang panauhing pandangal si Kgg. Herminio Coloma, Kalihim ng Presidential Communications Operations Office.

Mangyayari naman ang Pambansang Kongreso sa Salin mula 7—9 Agosto sa UP Visayas, Lungsod Iloilo. Magtitipon-tipon ang mga tagasalin, dalubhasa, guro, at mag-aaral upang paksain ang mga napapanahong isyu sa pagsasalin. Pakay ng Kongreso na idiin ang halaga ng pagsasalin sa pambansang pag-unlad.

Sa 15 Agosto, ilulunsad ang KWF Aklat ng Bayan sa Pambansang Museo, Lungsod Maynila. Binubuo ng 18 titulo ang Aklat ng Bayan na inilimbag ng KWF noong 2013 at 2014. Minimithi ng Aklat ng Bayan na bumuo ng isang “Aklatan ng Karunungan” na magtatampok sa wikang Filipino bilang wika ng paglikha at saliksik.

Kabilang sa Aklat ng Bayan ang Ortograpiyang Pambansa, Manwal sa Masinop na Pagsulat, Korespondensiya Opisyal, Hambingang Wika, Panitikang Popular, Kung Sino Ang Kumatha kay Balagtas, Panitikan ng Rebolusyon(g) 1896, Si Balagtas at ang Panitikan ng Kalayaan, Bisayan Grammar and Notes, Gabay ng mga Senior Citizen, Pangalan ng Tanggapan ng Pamahalaan, Vocabulario de la Lengua Tagala, Mena Pecson Crisologo, mga Lektura sa Panitikan, Baybayin: Ortograpiya at mga Tuntunin sa Pagsulat sa Wikang Tagalog, Kaalamang-bayan ng Cordillera, Panitikang Meranaw, at Pandiwa.

Sa Araw ni Quezon, 19 Agosto, mag-aalay ng bulaklak ang mga kawani  ng KWF sa Quezon Circle, Lungsod Quezon. Susundan ito ng pagdiriwang ng Araw ng Pagkakatatag ng KWF at Gawad sa Sulo Hotel, Lungsod Quezon. Naimbitihan bilang panauhing pandangal si Kgg. Sitti Djalia A. Turabin-Hataman, Kinatawan ng Anak-Mindanao Party List. Pararangalan ang mga nagwagi sa mga patimpalak at gawad ng KWF. Ang mga ito ang Dangal ng Wikang Filipino, Ulirang Guro sa Filipino, Kampeon ng Wika, Sali(n) Na! 2014, at KWF Gawad Sanaysay.

Bilang pagsasara sa Buwan ng Wika, makikiisa ang ahensiya sa Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) sa kanilang taunang UMPIL Congress mula Agosto 28—30.


1 nagger:

If you have questions and other inquiries feel free to comment below.

What's Hot

csc facebook fan pagecsc twittercsc g+csc email

Useful Reviewers

Like us on Facebook
Follow us on Twitter
Recommend us on Google +
Subscribe me on RSS